20/03/2020
LUMAYO KA MAN SA AKIN
Magandang namnamin ang mga salita ng Panginoon: “Halikayo at tayo’y manumbalik sa Panginoon… ang magpapagaling… ang gagamot” (Oseas 6:1). “HALIKAYO” – ito ang pagtawag ng Diyos sa atin tuwing tayo ay lumalayo sa Kanya kung tayo ay nagkakasala. “HALIKAYO” – ito ay paulit-ulit at walang sasabihin sa atin ng Panginoon dahil kailanman ay hindi ipagkakait sa atin ng mahabaging Diyos ang Kanyang awa. Nais Niyang idampi sa ating puso ang HALIK ng Kanyang pagmamahal at tayo ay gagaling, magiging mabuti.
Ang kailangan lamang ay MAGPAKUMBABA tayo upang tanggapin ang katotohanan na kailangana natin ang Kanyang pagpapatawad dahil tayo ay nagkakasala, na kailangan natin ang Kanyang lakas dahil tayo ay mahina, na kailangan natin ang Kanyang tulong dahil kung wala Siya ay wala tayong mabuting magagawa. Ito ang ginawa ng nagpakumbabang maniningil ng buwis sa parabolang inilahad ni Jesus sa Ebanghelyo na nagwika: “O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan” (Marcos 18:13). LUMAYO man siya dahil sa pakiramdam niya ay di siya marapat, pero dahil sa pagpapakumbaba niya ay naging MALAPIT at kalugudlugod siya sa Diyos. Ang PAANYAYA sa atin ng Panginoon ay huwag magmagaling, huwag magyabang, huwag magmarunong, huwag magsarili; sa halip, tayo ay MAGPAKUMBABA at MAGTIWALA lagi sa DIYOS NG AWA.
“PANGINOON, salamat sa Iyong pag-ibig at awa. Sa pagpapatawad sa amin ay hindi Ka nagsasawa. Tulungan Mo kaming marinig ang Iyong paanyaya, ibaling ang aming puso pabalik sa Iyo, at humakbang papalapit sa Iyong mainit na yakap, ligtas sa panganib at sa masama. AMEN.”