10/07/2026
KAPISTAHAN NI SAN BENITO NG NURSIA
HULYO 11
Si San Benito (o Benedicto) ng Nursia (c. 480 – c. 547) na kilala bilang Ama ng Monastisismo sa Kanluran ay may malaking impluwensya sa kanyang sariling panahon at sa mga sumunod na dantaon. Ang kanyang mga monghe ay pinagmumulan ng katatagan sa napakagulong kalagayan ng Europa kasunod ng pagbagsak ng Imperyo ng Roma at ang mga pagsalakay ng hilagang mga tribo (mga Bandalo, mga Huno, atbp.) at inilatag ang lupa para sa pag-usbong ng yaman ng kultura ng Renasimiyento (Renaissance) mula ika-12 dantaon pataas.
Si San Benito ay ipinanganak noong mga taong 480, ang anak ng isang Romanong maharlika mula sa Nursia (kasalukuyang Norcia, sa rehiyon ng Umbria, Italya) at pinaniniwalaang siya ay kambal ni Santa Escolastica. Tiyak na kakaunti ang nalalaman tungkol sa kanyang buhay bilang ang tanging pinagmulan ay ang Ikalawang aklat ng mga Pagpapalitang-Usap (Diyalogo) ni San Gregorio. Ito ay inilarawan bilang "ang talambuhay ng pinakadakilang monghe, na isinulat ng pinakadakilang Papa, siya rin ay isang monghe". Ito ay higit na isang makadiwang paglalarawan sa halip na isang makatotohanang talambuhay.
Nagsimulang mag-aral si Benito sa Roma ngunit umalis bago nakatapos sa lahat upang maging ermitanyo sa Subiaco. Sa loob ng tatlong taon sa pag-iisa, si Benito ay naging nasa hustong gulang kapwa sa kanyang kaisipan at pagkatao, sa kaalaman sa kanyang sarili at sa kanyang kapwa-tao. Kasabay nito, siya ay naging lubos na iginagalang ng mga tao sa kapitbahayan, kaya nang mamatay ang abad ng kalapit na monasteryo, nakiusap sa kanya ang mga monghe na maging kanilang abad. Bagama't hindi siya sang-ayon sa kanilang pamumuhay, kalaunan kanya ring tinanggap.
Gayunpaman, hindi ito nagtagumpay, kaya't sinubukan siya ng mga monghe na lasunin at bumalik siya sa yungib ng kanyang pagiging ermitanyo. Sinasabi sa alamat ay sinubukan nilang lagyan ng lason ang kanyang inumin ngunit, nang basbasan niya ang kopa, ito ay nabasag. Pagkatapos ay sinubukan nilang patayin siya nang lagyan nila ng lason ang nakalaang tinapay sa kanya, ngunit, nang basbasan niya ito, dumating ang isang uwak at inagaw ito. Maraming iba pang mga himala ang iniugnay sa kanya at maraming tao ang lumapit sa kanya para tumanggap ng kanyang payo sa kanilang ikapapanuto. Kaya nagtayo siya ng 12 monasteryo bawat isa ay may tagapamuno at 12 monghe. Siya mismo ay nanirahan sa ika-13 kasama ang ilan na sa tingin niya ay mas maipamamalas. Si Benito, gayunpaman, ay ang ama o ang abad ng lahat ng mga pangkat.
Kalaunan ay umalis si Benito patungong Monte Cassino, malapit sa Naples, kung saan iniakda niya ang huling pahayag ng kanyang Panuntunan. Naglalaman ito ng karamihan sa tradisyonal na pagtuturo ng buhay-monastiko ng mga naunang monghe tulad ng kay Cassiano, San Basilio at marahil din ang tinatawag na Panuntunan ng Tagapagturo (Rule of the Master), kahit na maraming binago si Benito. Ang kanyang pananaw ay isang buhay na nailalarawan sa pamamagitan ng pagiging mahinhin at katamtaman sa halip na matinding asetisismo at pamumuhay sa loob ng isang balangkas ng awtoridad, pagsunod, katatagan, at pagkakapantay-pantay ng buhay sa pamayanang monastiko. Ang 'katatagan' ay nangangahulugan na ang isang monghe ay karaniwang mananatili nang palagian sa monasteryo na kanyang kinaaaniban at kinabibilangan. Ito ay isang paraan ng pamumuhay na husto, maayos at naisasagawa. Ang araw ng isang monghe ay umiinog sa liturhikal na panalangin, na kinumpleto ng banal na pagbabasa at sa mga gawaing gamit ang mga kamay sa iba't ibang uri ng pangangalaga sa mga pangangailangan ng pamayanan.
Hindi isang pari si Benito, at walang katibayan na nilayon niyang magtatag ng isang ordeng relihiyoso. Ang kanyang pangunahing layunin at tagumpay ay magsulat ng isang Panuntunan o paraan ng pamumuhay. Ang sariling pagkatao ni Benito ay sumasalamin sa kanyang paglalarawan sa uri ng tao na dapat maging isang abad: matalino, maingat, may kakayahang umangkop, natuto sa kautusan ng Diyos, ngunit isa ring makadiwang ama sa kanyang pamayanan. Binanggit siya ng mga Pagpapalitang-Usap (Diyalogo) ni San Gregorio bilang may pangalawang paningin at mahimalang kapangyarihan.
Ang pinakakilalang mga sagisag na nag-uugnay kay San Benito ay isang nabiyak na kopa (naglalaman ng lason) at isang uwak. Siya rin ay inilalarawan na nakasuot ng isang abitong monastiko na may pansukob at hawak ang alinman sa Panuntunan o isang pamalo para sa pagpataw ng disiplina.
Ginugol ni Benito ang natitirang bahagi ng kanyang buhay na napagtanto ang tamang kaisipan ng monastisismo na nakapaloob sa kanyang Panuntunan. Namatay siya sa Monte Cassino, Italya, ayon sa tradisyon, noong ika-21 ng Marso 547.
Siya ay pinangalanang pintakasing tagapagtanggol ng Europa ni Papa San Pablo VI noong 1964. Ang kanyang araw ng kapistahan, noong Marso 21, ay inilipat noong 1969 sa ika-11 ng Hulyo, isang petsa kung saan ang kanyang kapistahan ay ipinagdiriwang sa maraming pook.
Kasama nina San Cirilo at San Metodio, Santa Catalina ng Siena, Santa Brigida ng Sweden, at Santa Teresa Benedicta ng Krus (Edith Stein), si San Benito ay ipinahayag na Pintakasi ng Europa ni Papa San Juan Pablo II noong 1999.
𝐌𝐀𝐍𝐀𝐋𝐀𝐍𝐆𝐈𝐍 𝐓𝐀𝐘𝐎
Ama naming makapangyarihan,
itinampok mo ang abad na si San Benito
bilang dakilang tagapagturo
sa mga nagpapakadalubhasa
sa paglilingkod sa iyo.
Tanging pag-ibig sa iyo
ang amin nawang mapahalagahan
para taluntunin naming maliksi
at bigay na bigay
ang landas ng pagsunod sa iyong kautusan
sa pamamagitan ni Hesukristo
kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.
Amen.