15/01/2026
Inspirasyon para sa Enero 15
Kapistahan ni Maria, Ina ng mga Dukha
Ni Pd. Lito Jopson
Ang isang binyagan ay tumutupad sa kalooban ng Diyos na maging daluyan ng pag-ibig, kapayapaan, at katarungan.
Ngayong araw, ginugunita natin si Maria bilang Ina ng mga Dukha, na nagpakita kay Mariette Beco sa Banneux at nagpahayag: “Ako ang Ina ng mga Dukha.” Isang malinaw na paalala ito na ang puso ng Diyos ay laging nakatuon sa mga aba, sugatan, at pinabayaan ng lipunan.
Tayo na mga binyagan ay tinatawag na maging daluyan ng pag-ibig ng Diyos. Ngunit minsan, nahihirapan tayong magbahagi lalo na kung tayo’y salat. May mga pagkakataong ayaw nating magbigay dahil natatakot tayong mawalan. Ngunit itinuturo sa atin ni Maria na ang tunay na kayamanan ay ang pusong marunong magbahagi.
Pag-ibig - “Ipinakita ni Maria ang walang kondisyong pag-ibig sa mahihirap.” Ang kanyang mensahe ay malinaw: Mahalin ang kapwa, lalo na ang nasa laylayan. “At sinabi niya: Manalangin kayo.” Ang panalangin ay hindi lamang pakikipag-usap sa Diyos, kundi pagmamahal din sa kapwa.
Kapayapaan - Sa iba’t ibang aparisyon (Banneux, Fatima, Medjugorje), iisa ang kanyang panawagan: “Manalangin kayo para sa kapayapaan.” “Magbalik-loob kayo sa Diyos.” Ang tunay na kapayapaan ay nagsisimula sa pusong nagbabalik-loob sa Diyos. Ang galit at digmaan ay bunga ng kasalanan, ngunit ang panalangin at sakripisyo ang daan tungo sa kapayapaan.
Katarungan - Ang bukal sa Banneux ay “para sa lahat ng bansa, lalo na sa mga may sakit.” Paalala ito na: Pantay-pantay tayong lahat sa harap ng Diyos, Lahat ay may dignidad, at ang biyaya ng Diyos ay para sa lahat.
Ito ang diwa ng panlipunang katarungan: pagkalinga sa mahihirap, malasakit sa may sakit, pagtatanggol sa naaapi.
Hamon sa Ating Lahat - Tulad ni Maria, maging daluyan tayo ng: Pag-ibig sa kapwa, Kapayapaan sa mundo, at Katarungan sa lipunan. Huwag tayong matakot magbahagi, kahit kakaunti lamang ang ating taglay. Sa maliit na kabutihan, nagiging dakila ang pag-ibig ng Diyos.
Pagnilayan: Ako ba ay daluyan ng pag-ibig, kapayapaan, at katarungan sa aking pamilya at pamayanan?
Maria, Ina ng mga Dukha, ipanalangin mo kami.