04/12/2025
'LAHAT NG SANGKOT, DAPAT MANAGOT!'
Nakiisa ang mga kabataan ng United Methodist Youth Fellowship in the Philippines (UMYFP) sa naganap na Baha sa Luneta 2.0 noong Nobyembre 30, 2025, kasama ang United Methodist Young Adult Fellowship in the Philippines (UMYFAP), UMC - Philippines Regional Conference - Board of Church and Society (PRC-BCS), National Council of Churches in the Philippines (NCCP), Promotion of Church People's Response (PCPR), at iba pang grupo ng mga taong simbahan.
Mula sa isang pagsamba sa San Agustin Church ng Intramuros, sama-samang nagmartsa ang taong simbahan patungong Luneta, hanggang sa Mendiola, upang ipanawagang panagutin lahat ng sangkot sa korapsyon, ikulong ang mga kurakot, at gayundin, magkaroon ng SYSTEM CHANGE, sapagkat ang korapsyon ay nag-uugat sa sistemang mapaniil at mapagsamantala, na matagal nang umiiral sa gobyerno ng Pilipinas.
Muling binitbit ng mga kabataan ang panawagan at panlipunang prinsipyo (Social Principles) ng United Methodist Church, "We firmly oppose graft, bribery, and all forms of corruption," na isang pagpapahayag ng pagtutol ng simbahan sa pagnanakaw sa gobyerno, panunuhol, at iba pang uri ng korapsyon bilang paglabag sa tiwala sa publiko at mga sagka sa pagbuo ng mga lipunang may katarungan at pagkakapantay.
TAMA NA. SOBRA NA.
Hindi na panahon para manahimik sa harap ng pang-aabuso, kundi, bilang mga taong simbahan, tayo mismo ang dapat nangunguna sa pagtindig laban sa anumang porma ng kasamaan (Efeso 6:11), na nagpapahirap sa ating sambayanan.
Ang ating pakikisangkot sa mga sistema ng pulitika ay nakaugat sa kautusang nakapaloob sa Mabuting Balita, na mahalin natin ang ating kapwa, na gumawa ng mg bagay na makatarungan, na kumalinga sa mga mahihina (Mga Panlipunang Prinsipyo ng Nagkakaisang Iglesiya Metodista, 2024).
Dala ang ating biennial theme ngayong 2024-2026, patuloy ang ating pag-"TINDIG" para sa kabutihan, hustisya, at pagmamahal, taglay ang pananampalatayang itinuro sa atin ng ating mahal na simbahan.
SI KRISTO, HIGIT SA LAHAT, KASAMA ANG LAHAT!