01/09/2021
“Aalis na po ako papuntang ospital at maraming salamat ArchB... maraming salamat ArchB!”
(HOMILIYA ng Kagalang-galang na Arsobispo ng Lipa, Gilbert Garcera, sa Misa alay para kay + Mother Cecilia de Castro, OCD, alas 9 ng umaga, Martes, Agosto 31, 2021)
Bayaan po ninyong simulan ko ang aking sermon sa pamamagitan ng pag-aanyaya sa inyong lahat na manahimik nang ilang sandali.
I. Ang pagtahimik natin ay may dahilan. Ilan sa inyo ay taimtim na tumatahimik upang ipagdasal ang kaluluwa ni Mother Cecilia. Ang ilan naman upang sariwain ang hindi malilimutang mga alaala at kwento ng pagmamahal ni Mother Cecilia sa inyo, sa inyong pamilya at sa mga madre ng Carmel. Tumatahimik tayo upang maunawaan natin ang mga nagdaang araw, na hanggang sa mga oras na ito ay nahihirapan ang ilan sa atin na tanggapin ang katotohahan na wala na si Mother Cecilia at siya’y nasa piling na ng Diyos na kanyang Panginoon. Naniniwala tayo at sang-ayon tayong lahat ayon sa salmong tugunan, si Mother Cecilia ay nasa piling na ng Poong mahal, siya’y laging buhay.
Ayon sa salaysay ni Sr. Fides, ang madre na sumama at naghatid sa mga madreng may sakit, na sa huling mga sandali bago yumao si Mother Cecilia, habang sila ay nasa “ER” ng De la Salle Medical Center sa Damarinas Cavite noong Sabado ng gabi, nakita ni Sr. Fides ang hirap at sakit na nararamdaman ni Mother Cecilia. Katabi ng ER bed ni Mother Cecilia ay si Mother Jacinta, 94 years old na madreng kasama ni Mother sa Monasteryo. Mahal na mahal ni Mother Cecilia si Mother Jacinta dahil siya mismo ang nag-aalaga sa kanya. Nakakasiguro ako na sa gitna ng hirap na dinanas niya, dala sa puso at isipan ni Mother Cecilia ang daing ng minamahal niyang si Mother Jacinta… ang sakit na kanyang nararamdaman, ang sigaw ni Mother Jacinta na humihingi ng saklolo. Dinig na dinig niya ang mga ito at sa puso ni Mother Cecilia ang lahat ng ito ay inaalay niya kay Jesus.
Namatay si Mother Cecilia na may mapayapang mukha. It was a peaceful death. Ano po ang ibig sabihin ng sinasabi kong mapayapang mukha na namasdan kay Mother Cecilia sa kanyang pagyao?
Ito ay isa sa mga marka na makikita sa isang madreng nasa monasteryo. Ayon sa dokumento para sa mga móngha, ang Apostolic Constitution Vultum Dei Quaerere on women's contemplative life, “the contemplative is a person centered in God and for whom God is the UNUM NECESSARIUM. (no. 10) Contemplation involves having a pure mind, in which the echoes of the Word and the voice of the Spirit are felt as a soft wind. (no. 11) Ang isang móngha ay isang tao na sa kanyang buhay ng katahimikan sa gitna ng paghihirap at sakit ang kanyang buhay ay doon lamang nakatuon sa Diyos at ang Diyos lamang ang natatanging kailangan, ang unum necessarium.
Ang unang pagbasa ay naglalarawan para sa ating pagninilay ng pananahimik ng isang yumao. “Sa akala ng mga hangal, ang mga matuwid ay namamatay; iniisip nilang ang kamatayan ay kapahamakan, at ang pagpanaw nila ay tuluyang paglaho. Ngunit ang totoo, sila’y nananahimik na.. sila nasa buhay na walang hanggan.
II. Noong umaga nang nakalipas na Sabado, bago isugod ng ambulansya si Mother Cecilia papunta sa ospital, ilang beses niya akong tinawagan at sa huling tawag niya, ito ang sinabi niya sa akin. “Aalis na po ako papuntang ospital at maraming salamat archB... maraming salamat archB!” Hindi ko inakala na iyon na ang magiging huling pag-uusap namin ni Mother. Hindi ko lubos maisip na ang mga salitang iyon ng pamamaalam ay ang kanyang kahuli-hulihan nang pamamaalam niya hindi lamang sa arsobispo ng Lipa.. isang pamamaalam na puno ng pagmamahal para sa kanyang mga minamahal na mga madre ng Carmel ng Lipa… isang pamamaalam sa inyong lahat… isang pamamaalam na nagbibigay-buhay na sinasabi ni Jesus sa ating ebanghelyo: “huwag kayong mabalisa, manalig kayo sa Diyos, manalig kayo sa Akin.”
Ngunit ang pamamaalam ni Mother ay may kakambal na pasasalamat. Ito si Mother Cecilia, naka-smile pag nakakausap mo at mapagpasalamat!
III. Ramdam natin ang lungkot at ang hirap na dinadaanan ng ating mga Carmelite sisters sa mga araw na ito. Ramdam na ramdam ko ang mga pangyayari na dinaanan ni Mother Cecilia, Mother Jacinta, at ng anim pang mga madreng Carmelites na nasa ospital dahil sa COVID. Ito ay sapagkat ako man ay naging COVID patient din. Naranasan ko ang hemoperfusion, ang convalescent plasma therapy, ang intubation sa loob ng halos tatlong linggo. Ang medical intervention ng remdesivir, tocilizumab at dexamethasone ay naging mga bagong bokabularyo sa aking pandinig nang ako ay nasa ospital.
Sa lahat ng nangyari sa akin, naging buhay at mas makahulugan ang aking pagdarasal.
Sa aking pagdarasal, ramdam na ramdam ko ang paghihirap at daing ng may ganitong sakit. At kalakip ng aking pagdarasal sa araw-araw ay ang buhay na alaala ng mga tao na nawawalan ng pag-asa.. mga tao na kumakapit sa Diyos na Siya lamang ang tanging lulunas sa pait ng buhay.
Maliban sa community life sa loob ng monasteryo at sa buhay ng katahimikan o solitude, isa pa sa mga marka ng isang móngha ay ang kanyang buhay panalangin. Wika nga, sinasabi muli ng dokumentong Vultum Dei Querere, “Through this life of contemplation and prayer, you (my dear sisters) are the voice of the Church as she ceaselessly praises, thanks, implores and intercedes for all mankind. Through your prayer, you are co-workers of God.” (n. 9)
Mga minamahal kung madre ng Carmel, nararanasan ninyo ang COVID 19 sa pamamagitan ng mga kasamahan ninyong madre na may sakit. Dumadaan kayo sa hirap at pagsubok sa panahong ito. Ngunit, pagmasdan ninyo ang nilalaman ng inyong pagdarasal. Nagdarasal kayo hindi lamang para sa inyong sarili o para sa Community of Carmel. Sa katunayan, kayo ang tagapagdasal namin.
Kayong mga maysakit, alam ko na ang lahat na inyong nararamdaman ay alay ninyo sa Diyos para sa amin.. . para sa ating lahat!
At sa langit, alam natin na sa pamamagitan ni Mother Cecilia, tayong lahat ay kanyang ipinagdarasal.
Maraming salamat Mother Cecilia at paalam!
Maraming salamat my dear Carmelite sisters sa inyong pagdarasal para sa amin… sa pagiging huwaran na ipinakita ninyo, sa sakripisyo at paghihirap sa gitna ng COVID 19.
Asahan ninyo na aming susuklian ng aming panalangin ang lahat na inyong inaaalay para sa amin.
Patuloy nawa tayong gabayan ng Mahal na Birhen, na siyang unang nagpatotoo na ang natatanging kailangan, ang unum necessarium, ay si Jesus at tanging si Jesus lamang. Amen.