14/01/2016
Ang Ganap na Pagtitiwala sa Allah ta’ala (Tawakkul)
Ang lahat ng papuri at pasasalamat ay tanging sa Allah lamang, ang Sakdal sa Kadalisayan at Pinakamakapangyarihan, at ako ay sumasaksi na walang ibang diyos na dapat pag – ukulan ng pagsamba maliban sa Kanya lamang, na ating sinasamba at hinihingan ng tulong. Ako ay sumasaksi na si Muhammad ay Kanyang sugo at alipin lamang, ang pinakamainam sa lahat ng mga Propeta at Pinuno ng lahat ng mga may takot sa Allah. O Allah! Igawad Mo po ang pinakamainam na biyaya at habag kay Muhammad, sa kanyang mga kapamilya, mga kasamahan at sa lahat ng taong sumusunod sa matuwid na patnubay hanggang sa Araw ng Paghuhukom.
Sa kasalukuyang panahon na kung saan ay nakaharap ang tao lalo na tayong mga Muslim sa iba’t ibang uri ng mga kapagsubukan at kalamidad ng buhay ay nararapat lamang na matakot tayong ganap sa Allah Subhaanahu wa ta’ala. Humawak ng mahigpit sa Kanyang Lubid, ito ang Maluwalhating Qur’an, at manalig lamang sa Kanya para sa tagumpay ng lahat ng inyong mga gawain. Sinabi ng Allah ta’ala:
وَعَلَى اللهِ فَلْيَتَوَكَّلِ الْمُؤْمِنُونَ
“At sa Allah ang lahat ng mga mananampalataya ay nagtitiwala.”
Kanya ring sinabi:
فَأعْبُدْهُ وَتَوَكَّلْ عَلَيْهِ
“Kaya’t sambahin Siya (Allah) at ibigay sa Kanya ang ganap na pagtitiwala.”
Kanya ring sinabi:
وَاعْتَصِمُواْ بِاللهِ هُوَ مَوْلَـــكُمْ فَنِعْمَ الْمَوْلَى وَنِعْمَ النَّصِيرُ
“At manalig ng ganap sa Allah (magkaroon ng ganap napagtitiwala sa Allah at umasa lamang sa Kanya sa lahat ng inyong mga gawain). Siya ang inyong Maula (Panginoon), O anong inam na Maula at O anong inam na Katuwang!”
Kanya ring sinabi:
وَمَا تَوْفِيقِـى إلَّا بِاللهِ , عَلَيْهِ تَوَكَّلْتُ وَإِلَيْهِ أُنِيبُ
“At walang patnubay na darating maliban na ito ay nagmula sa Allah, sa Kanya ako nagtitiwala at sa Kanya ako nanunumbalik.”
At sinabi din ng Allah ta’ala:
إِيَّـاكَ نَعْبُدُ وَإِيَّـاكَ نَسْتَعِينُ
“Ikaw lamang ang aming sinasamba at Ikaw lamang ang aming hinihingan ng tulong (patungkol sa lahat ng bagay).”
Bilang karagdagan patunay, sinabi ng Sugo ng Allah (Saw):
قَالَ رَسول اللهِ صلى الله عليِه وسلم: إِذَا سَألْتَ فَاسْأَلِ اللهَ وَإِذَا اسْتَعَنْتَ فَاسْتَعِنْ بِالله
“Kapag ikaw ay humiling, humiling sa Allah, at kapag ikaw ay humingi ng tulong, humingi sa Allah.”
Kaya’t ang Tawakkul o ganap na pagtitiwala at Isti’anah (paghingi ng tulong) ay ang dalawang dakilang tungkulin na kung saan ang mga ito ang nagsisimbulo ng Iman (Pananampalataya). Ang mga ito rin ang mga pinakamaiinam na gawain na naglalapit sa tao sa Panginoong Allah, ang Pinakamapagpala. Katiyakan, ang lahat ng bagay o gawain na nangyayari ay nagiging matagumpay lamang nang dahil sa tulong ng Allah at kanyang mga alipin ay walang ibang pagpipilihan, maliban sa ganap na pananalig sa Kanya at pag – asa sa Kanya. Katiyakan, na anumang naisin ng Allah ay magaganap at anong Kanyang hindi patnubayan ay hindi mangyayari. Walang sinuman ang makakapagbago ng kanilang mga kalagayan, maliban sa loobin ng Allah. Tunay na walang kapangyarihan at lakas ang sinumang alipin para sumamba sa Allah maliban sa Kanya itong tulungan, o ni walang sinuman ang makalaban sa anumang kasamaan at pagkakasala maliban sa sila ay gawaran ng Allah ng lakas at tulong. Lahat ng uri at bahagi ng mga pagpapala at kabuhayan ay maaaring makamit at maging ganap sa pamamagitan ng ganap na pagtitiwala sa Allah lamang, katulad ng sinabi ng Sugo ng Allah (Saw):
قَالَ رسول الله صلى الله عليْه وسلم: لَوْ تَوَكَّلْتُمْ عَلَى اللهِ حَقَّ تَوَكُّلِهِ لِرَزَقَكُمْ كَمَا يَرْزُقُ الطَّيْرَ : تَغْدُو خِمَاصًا وَتَرُوحُ بِطَانًا
“Kung ganap ang iyong pagtitiwala sa Allah na bagay na dapat mong gawin (ang magtiwala sa Kanya), gagawaran ka Niya ng mga biyaya, katulad ng pagbibiyaya niya sa mga ibon: na pagsikat ng araw sa umaga sila ay magliliparan upang (hanapin ang kanilang ikabubuhay) malamnan ang kanilang mga sikmura at babalik sa gabi ng may ganap na kasapatan.”
Mismo ang Sugo ng Allah (Saw) ang naglarawan sa kanila na ganap na nagtitiwala sa Kanya na mayroong dalawang katangian: sila ay naghahanap ng paraan at daan upang kumita ng kanilang ikakabuhay at sila ay may ganap na pagtitiwala sa Kanya na may hawak nang lahat ng mga pamamaraan ng kabuhayan. Sila na nagtataglay ng isa lamang o ni isa sa mga katangiang ito ay wala sa kanila ay magkakamit ng mga kabiguhan at kawalan.Sa kabilang dako naman, sila na naghahanap ng tama at marangal na pamamaraan upang kumita ng kanilang ikabubuhay na may kaakibat na pagtitiwala sa Allah at kanilang pinahahalagaan ang mga Biyaya ng Allah kapag ito ay kanilang nakamtan, na nanatiling mahinahon sa kabila ng mga kapagsubukan ay magkakamit ng tagumpay at magtatagumpay sa kanilang mga mithiin. Paano kaya sila na may ganap na kaalaman na tanging ang Panginoon lamang ang makakapagbigay sa kanila ng kanilang mga pangangailangan ay tila baga nagmamalaki pa at hindi nagtitiwala sa Kanya? Paano kaya na silang mga mahihirap at mahihina kung walang darating na tulong mula sa kanilang Panginoon, silang mga walang tigil sa paghiling sa kanilang Panginoon at sa kanila na mga lagi ng nanawagan para sila ay lunasan mula sa kanilang dinaranas na mga kapagsubukan? Paano silang mga tiyak na ang tanging nagmamay – ari ng lahat ng mga gawain at pangyayari ay nasa Kamay lamang ng Allah, ang hindi humihiling sa Kanya para sa kanilang mga pangangailangan? Paano kaya silang may sapat na kaalaman ukol sa walang hanggang kayamanan ng Allah, ang Pinakamapagbiyaya ang tila baga umiiwas sa paghiling sa Kanyang Kabutihan sa kanilang mga pangangailangan? Paano kaya silang mga may katiyakan sa Walang Hanggang Habag ng Allah na Siya ay higit na mahabagin sa Kanyang mga alipin kaysa sa isang inang tigib ng habag sa kanyang anak, ang hindi nagtitiwala sa Kanyang Katarungan? Paano sila na nakakaalam na ang Allah ang nakakaalam sa lahat ng Kanyang nais ang hindi tiyak at hindi nagagalak sa kung ano ang iginawad at itinakda para sa kanila?
Mga kapatid sa pananampalatayang Islam na lagi ng naghahanap ng kabutihan, katiyakan na kayo ay magkakamit lamang kabutihang inyong inaasam kung ganap kayong mananalig at ganap na aasa sa inyong Panginoon sa lahat ng inyong mga pangangailangan. Kayo na maigting sa pagsusumikap para labanan ang mga sariling kagustuhan at pagnanasa, dapat ninyong malaman na walang ibang paraan para inyong malabanan ang pagkakasala sa pamamagitan ng ganap na pagtitiwala at pananalig sa Kanya na may Ganap na Kaalaman sa mga bagay na lingid. Katiyakan na siya na umaasa lamang sa Allah ay sapat na ang Allah para sa kanya. Siya na walang sawa sa paghiling ng tulong sa Allah at sumusunod sa Kanya ay itatama lahat ng Allah ang lahat sa kanyang pamumuhay lalo na ang kanyang pananampalataya. At para sa kanya na pababaya sa sarili at kanyang iwinaksi ang kanyang Panginoon sa kanyang puso ay wala siyang tanging makakamit sa mundong ito at doon sa kabilang buhay kundi puro kahirapan at kaparusahan.
Ilang mga tao ang kung titignan mo ay napakahina nila, subali’t sila ay nagtatamo ng mga biyaya mula sa kanilang Panginoon bunga ng kanilang ganap na pananalig at pagtitiwala sa Allah kaya sila ay Kanyang pinatnubayan? At ilang mga tao na kung iyo silang makikita ay talaga namang tila baga hindi matitinag, na nadala ng kanilang labis na paghanga sa sarili at pagmamalaki ay wala ibang nakamit kundi mga kapighatihan? Tunay na ang tulong at tagumpay na ibinibigay ng Allah ay Kanyang iginagawad lamang sa Kanyang mga matatapat na alipin. Tunay na walang tagumpay at kaligayaan maliban ang sambahin lamang ang Allah, hingin ang Kanyang tulong at magtiwala sa Kanya. Katotohanan na walang ibang diyos na dapat pag - ukulan ng pagsamba maliban sa Kanya na Dakilang Tagapagbiyaya. Siya ang nagsabi sa Maluwalhating Qur’an:
رَّبَّنَا عَلَيْكَ تَوَكَّلْنَا وَ إِلَيْكَ أَنَبْنَا وَإِلَيْكَ الْمَصِيرُ
“O aming Panginoon! Sa Iyo lamang kami nagtitiwala at sa Iyo lamang kami nagbabalik, at sa Iyo lamang ang aming huling pagbabalik!” >
At sinabi ng Allah ta’ala:
وَكَــأَئِّـن مِّن دَآبــَّةٍ لَّا تَحْمِلُ رِزْقَهَا اللهُ يَرْزُقُهَا وَإِيـَّاكُمْ وَهُوَالسَّمِيعُ الْعَلِيمُ
“At gaano karami sa mga nabubuhay na nilikha ang dala – dala sa kanilang mga sarili ang kanilang mga ikinabubuhay? Ang Allah ta’ala ang nagbibiya nito para sa inyo. At Siya ang ganap na nakakarinig at ganap na nakakakita.”
Nawa’y igawad ng Allah ang lahat ng mga biyayang nakapaloob sa Maluwalhating Qur’an at magbigay sa atin ng kabutihan ang anumang kalakip ng mga Ayaat at Dhikr. Aking hinihiling sa Allah ang Kataas – taasan na patawarin Niya ang bawat Muslim sa kanilang mga kasalanan, kaya’t hingin nating lahat ang Kanyang kapatawaran.
Abu Usaamah