05/04/2026
TATLONG ARAW? Mamayang gabi ay sisimulan ng buong Santa Iglesia ang bihilya ng muling pagkabuhay ng Panginoon o EASTER VIGIL. Marahil ay nagtataka ka kung paanong naging TATLONG ARAW ang mula biyernes santo hanggang mamayang gabi ng Sabado de Gloria. Ang sabi kasi ng Bibiliya, si Hesus ay nabuhay "ON THE THIRD DAY” (1 Cor. 15:4, Luke 24:46, Hosea 6:2). Mahalaga na malaman natin na ang pagtanto ng oras ng mga hudyo noong panahon ni Hesus ay hindi nakabatay sa kasalukuyang oras na ating ginagamit. Sa mga hudyo, ang isang araw ay nagsisimula sa PAGLUBOG NG ARAW hanggang sa lumubog muli ang araw kinabukasan. Nangangahulugan ito na ang Biyernes Santo ng hapon kung kailan namatay at inilibing si Hesus ay masasabi natin bilang UNANG ARAW na nagsimula pa ng Huwebes paglubog ng araw. Mula paglubog ng araw naman ng Biyernes Santo hanggang lumubog muli ang araw ng Sabado de Gloria, ito naman ang IKALAWANG ARAW. Magmula naman mamayang gabi ng bihilya hanggang kinabukasan ng Linggo, paglubog ng araw, ang siya namang IKATLONG ARAW.
Ang impormasyong ito ay hindi salungat sa ibang talata ng bibliya na nagsasabing si Hesus ay nabuhay pagkatapos ng tatlong araw o “AFTER THREE DAYS” (Mark 8:31, Matthew 12:40). Pinapalagay ng ilang mga dalubhasa na ang salitang “ON THE THIRD DAY” at “AFTER THREE DAYS” ay tumutukoy sa magkaparehong pagtanto ng oras ng mga hudyo, at mababasa natin ito sa ilan pang mga pagkakataon sa bibliya. Isang halimbawa na nga nito ay ang tagpo sa lumang tipan kung saan si Haring Roboam ay nag-utos kay Jeroboam at mga Israelita na bumalik pagkatapos ng tatlong araw o “AFTER THREE DAYS.” (2 Chronicles 10:5) Nguni’t si Jeroboam at mga Israelita ay nagsibalik sa ikatlong araw o “ON THE THIRD DAY” tulad ng “ini-utos ng hari.” (2 Chronicles 10:12) Makikita natin dito na ang pagtanto nila sa oras ay iisa. Samakatuwid, ang “ON THE THIRD DAY” at “AFTER THREE DAYS” ay parehong tumutukoy sa magkaparehong kahulugan sa kanilang pagtanto ng oras.
Subalit, higit sa impormasyong ito, ay ang katotohanang MULING MABUBUHAY ANG PANGINOON, TUTUPARIN NG DIYOS ANG KANYANG PANGAKO. Magtatagumpay si Hesus laban sa kamatayan. ALLELUIA! 😊