04/01/2020
KALABIT DIWA SA EPIFANIA
KAPISTAHAN NG PAGPAPAKITA NG PANGINOON (January 5, 2020) Mateo 2:1-12
Paksa : TULAD NG MGA PANTAS, HANAPIN NATIN ANG
PANGINOON
MGA KAPATID, dakila ang araw na ito sapagkat ipinagdiriwang natin ngayon ang dakilang kapistahan ng EFIPANIA – o ang pagpapakilala at pagpapahayag ng Diyos ng sarili sa mga tao. Mahalaga ito sapagkat kung hindi ito ginawa ng Diyos, wala tayong mauunawaan tungkol sa Maykapal.
May dalawang (2) uri ng PAGPAPAKILALA (pagpapakita) ang ginawa ng Diyos sa mga tao. UNA ay sa mga Judio, noong dalawin ng mga pastol ang bagong silang na si Jesus sa sabsaban. Ang mga pastol na Judio ay kumakatawan sa lahat ng mga Judio.
Ang IKALAWA na pagpapakilala ng Diyos ay noong dalawin siya ng mga PANTAS , na tinatawag nating mga Mago. Ang mga pantas ay hindi Judio, mga hentil ang tawag sa kanila, tulad natin, kasi nga hindi tayo mga Judio. SILA ang kumakatawan sa atin noong dumalaw sila sa Panginoon.
TINGNAN natin ang mga katangian (Pagkakaiba atpagkakatulad) ng mga Pastol at mga Pantas.
Ang mga PASTOL ay maralita, maaaring hindi nakapag-aral at mga simpleng mga kabataan lang na nabubuhay sa pagpapastol ng mga tupa para sa ksnilang ikabubuhay. Samantalang ang mga PANTAS nanan ay marurunong at matatalino, mayaman at matataas ang katayuan sa buhay.
SUBALIT, pareho silang nagsakripisyo at NAGHANAP sa Panginoon. Kapwa sila nagbigay ng oras at panahon para sambahin ang Diyos. BIGYANG diin natin ang mga PANTAS. Alam natin na naglakbay sila nang malayo para lamang madalaw at makita ang Panginoong isinilang. Naglakbay sila na baon ang kanilang malaking tiwala sa Diyos at ang kanilang mga pagsasakripisyo. Dala-dala nila ang kabababaan ng kanilang kalooban na hanapin at sambahin ang bagong silang na sanggol.
Tayong mga tao na nagnanais na magtagumpay o magkaroon ng isang natatanging karanasan, ay kinakailangang “maglakbay” buhat sa ating kinalalagyan tungo sa nais nating marating. Sa paglalakbay na iyon, kailangang mayroon tayong patnubay o gabay na tatanglaw sa ating pagpupunyagi.. Kaya tulad sa buhay natin ngayon , kinakailangan ang GABAY o liwanag at karunungan para harapin ang isang magandang bukas.
Sa ating EBANGHELYO, narinig natin ang sakripisyong dinanas ng mga MAGO para lamang makita nila at sambahin si Jesus. Naglakbay sila buhat sa Silangan - malayo, mapanganib at mahirap. Di nila ito inalintana sapagkat sila’y ginabayan ng TALA. Simbulo ito ng paggabay at patnubay ng LIWANAG ng Diyos.
Ipinakita nila sa atin ang kanilang mga katangian: mayaman, matapang, matalino at makapangyarihan. Subalit sila’y nagpakababa. Iniwan nila ang kanilang bayan, ang kanilang kayamanan at kapangyarihan UPANG makita lamang ang Panginoon.
Nagsisilbing hamon sa ating lahat ang kanilang ginawang ito. Maaari nating tanungin at suriin ang ating mga sarili: “ TAYO BA’Y nagsisikap na magsakripisyo para hanapin at makita ang Panginoon? Handa ba tayong mahirapan upang makausap lamang ang Panginoon sa Simbahan kung saan tayo ay nagdarasal at tumatanggap ng kanyang mga Sakramento? Handa ba tayong magpakumbaba para sa Diyos at sa ating kapwa?”
TULARAN NATIN ANG GINAWA NG MGA PANTAS, pagkatapos nilang matagpuan ang Panginoon.
1) LUMAPIT SILA SA SANGGOL NA SI JESUS – madalas ba tayong lumalapit sa Panginoon sa ating mga pagdarasal? Ilan ang lumalapit sa atin sa Komunyon, kumpisal, o sa pansariling pananalangin sa harap ng Tabernakulo?
2) NAGPATIRAPA - simbulo ng kababaang-loob : hindi kaya, puspos ng kayabangan ang ating mga puso kaya’t wala tayong panahon sa Diyos at sa ating kapwa?
3) SINAMBA nila si Jesus – Anong uri ng pagsamba meron tayo? Hindi kaya pakitang-tao lang? Nakakapag-simba pa ba tayo Linggo-linggo? Nagdarasal pa ba tayo?
4) NAGHANDOG NG REGALO – tulad ng mga Pantas, nakakapagbigay ba tayo sa ating Simbahan? Anong pagtulong ang nagagawa natin hindi lang sa Simbahan, kundi maging sa ating kapwa tao? Dapat nating tandaan na ang pagbibigay sa kapwa at sa Simbahan ay isang paraan ng pasasalamat sa kabutihang loob ng Diyos na SIYANG naunang nagbigay sa atin ng mga bagay na meron tayo. Sapagkat kung walang magbibigay, wala tayong tatanggapin; at kapag wala tayong tinanggap, wala rin tayong maibibigay.
MGA KAPATID, naway maisabuhay natin ang mga kaganapan sa buhay ng mga PANTAS. Patuloy nating hanapin at tuklasin si Jesus na ating Panginoon. Pagsikapan nating lagi Siyang matagpuan sa mga Sakramento, sa pananalangin at pagbabasa natin ng mga Salita ng Diyos; gayundin sa mga pag-uusap natin tungkol sa Kanya.
At ang isa sa mga pinakamahalaga sa mga karanasang ito ay ang pagtuklas sa presensiya ng DIYOS sa mga mahihirap. Sana, tulad ng mga Pantas, makuha pa rin natin magbigay at magbahagi sa iba ng mga biyayang ating tinanggap mula sa Diyos; UPANG SA GAYON, ang PASKO at ang DIWA nito ay patuloy na mamayani sa ating puso at sa ating buhay araw araw. AMEN
FR. MENARDO B. NATIVIDAD
San Sebastian Parish
Muboz, Nueva Ecija