12/09/2026
Dakilang Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Hapis ng Turumba
Domingo de Dolores
Ika-238 na Anibersaryo ng Pagkakatagpo sa Larawan ng Mahal na Birhen ng Hapis ng Turumba
Sa pinakamalapit na Linggo sa ika-15 ng Setyembre, ipinagdiriwang ng mga deboto ng Mahal na Birhen ng Hapis ng Turumba ang araw ng pagkakatagpo sa orihinal at mapaghimalang larawan ng Birhen ng Hapis sa pampang ng Lawa ng Laguna. Sa araw na ito ginugunita ang pagkakatagpo at pagkakaluklok ng larawan ng Birhen ng Turumba sa Simbahan ng Pakil.
Sa Bisperas ng Kapistahan, isinasagawa ang Kampanaryo sa tapat ng Simbahan sa ganap na ika-6 ng Gabi. Ito ang nagsisilbing huling kampanaryo sa karangalan ng Birhen ng Turumba bilang pagtatapos sa tradisyunal na pista ng Turumba sa bayan.
Pagkatapos ng unang Misa sa pagdiriwang ng Domingo de Dolores, pumupunta ang mga deboto sa pampang ng lawa upang masaksihan ang pagsasadula ng biyaya ng pagkakatagpo sa larawan. Dito ay sinasariwa ang pagkakatagpo sa banal na larawan hanggang sa mai-angat ni Padre Miguel Soriano ang larawan ng Mahal na Birhen ng Hapis kung saan naganap ang unang Turumba sa bansa. At mula sa lugar na kung tawagi'y "Estaca" ang mga deboto ay masayang magpruprusisyon patungo sa Simbahan upang dumalo na rin sa pagdiriwang muli ng Banal na Misa.
Sa pagpasok ng Mahal na Birhen ng Turumba sa Simbahan matapos iprusisyon sa kabayanan, kumukuha ang mga tao ng mga bulaklak na nakasabit sa andas ng imahen upang dalhin sa kanilang mga tahanan at ipamigay sa mga kasamang hindi nakarating. Susundan ito ng pamamaalam sa Birhen ng Turumba bilang pagtatapos ng kanyang Pista sa buong taon. Magtatapos ang pagdiriwang sa Beso Manto, ang pagpapahalik sa Manto ng Mahal na Birhen bago siya muling ibalik sa kanyang retablo. Ang ila'y dumadaan muli at umiigib ng tubig sa Panghulo bilang bahagi ng kanilang pagdedebosyon.
Ang "Domingo" ay salitang Español na nangangahulugang "Linggo" at ang "de dolores" ay salitang Español din na ang ibig sabibin ay "ng mga hapis". Kung kaya't ang ibig-sabihin ng Domingo de Dolores ay "Linggo ng mga Hapis" na gumugunita sa pitong hapis ng Birheng Maria.
Binibigyang-diin ng huling Turumba sa puso, isip, at kaluluwa ng mga deboto ang kabuuan ng buhay ng Mahal na Birheng Maria. Pinagninilayan sa Domingo de Dolores ang kanyang mga pinagtiisang Hapis bilang pakikibahagi sa kaligtasang dala ng kanyang Mahal na Anak na si Hesus. Ang Domingo de Dolores ang lakas na magiging baon ng mga deboto hanggang sa susunod na taon na muling magkakatagpo-tagpo para sa Birhen ng Turumba.
Ang Domingo de Dolores ang pagdiriwang na nagsasara at nagtatapos sa "The Longest Religious Festival in the Philippines" sa "Pilgrimage Capital of Laguna".
Sanggunian:
-Rivera, M. (2018) Birhen ng Turumba. Philippines: El Guapo Printing Press.
-Ybardolaza, G. (1971) Kasaysayan ng Pakil. s.n.