12/01/2026
Saan Ka Dapat Pumunta Kapag Nakakaramdam Ka ng Panghihina ng Loob?
Hebreo 10:25 “Huwag nating kaliligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng nakasanayan ng iba”
Karaniwan sa mga tao ang umiwas sa simbahan at lumalayo sa ibang mananampalataya kapag sila ay nawawalan ng loob. Maaaring may kilala ka na nagawa ito. Maaaring nagawa mo rin ito sa isang panahon sa iyong buhay kung kailan ikaw ay nakaramdam ng panghihina ng loob o kalungkutan.
Maraming dahilan kung bakit iniiwasan ng mga tao ang simbahan kapag sila ay nadidismaya. Siguro nahihiya sila na parang hindi mabilis kumilos ang kanilang pananampalataya gaya ng inaasahan nila. Baka naman nahihiya sila na hanggang ngayon ay nakikipaglaban pa rin sa mga problemang akala nila ay nalampasan na nila noon pa. Ayaw nilang malaman ng iba na nakikipagbuno pa rin sila sa mga parehong problema, kaya nawawala na lang sila.
Huwag hayaang pigilan ka ng hiya o panghihina ng loob na lumapit sa ibang mananampalataya. Kailangan mo ang kanilang lakas! Kailangan mo ang kanilang patotoo! Kailangan mo ang kanilang pag-aalalay! Kailangan mong marinig silang sabihing, Kaya mo 'yan! Makakaya mo 'yan!
Ang sandali na maramdaman ng mga tao na parang sila ay nabibigo o kulang kumpara sa iba ay kadalasang ang sandali rin na sinasabi ng Satanas sa kanila, "Ah, manatili ka na lang sa bahay ngayon wag ka na pumubta sa simbahan. Hindi mo kailangan pumunta doon kasama ang lahat ng masasayang tao. Alam mo na hindi mo talaga feel na makihalubilo sa kanila ngayon, kaya bakit hindi ka na lang manatili sa bahay mag-isa? Hindi mo sila kailangan. Pwede ka namang magbasa ng Bibliya sa bahay!
Alam ni Satanas na kung mapipigilan ka niya na makipag-usap o makihalubilo sa ibang mananampalataya sa mismong sandali na kailangan mo ng fellowship at pampalakas ng loob, malamang na mapigil ka niya at mararamdaman mo ang pagkatalo. Oo, totoo na pwede kang magbasa ng Bibliya sa bahay mag-isa, at kailangan mo rin itong gawin. Pero ang pakikihalubilo sa ibang mananampalataya ay napakahalaga para sa lahat, at kasama ka rito! Makakakuha ka ng pampalakas ng loob mula sa ibang mananampalataya na hindi mo mahahanap kahit saan.
Iyan ang dahilan kung bakit ang simbahan ang huling lugar na nais ng diyablo na puntahan mo kapag ikaw ay nalulungkot! Alam niya na kung pupunta ka sa simbahan, mararanasan mo ang Presensya ng Panginoon; mae-encourage ka ng ibang mananampalataya; at sa huli, makakaahon ka sa hukay na inilagay sa iyo ng kaaway at aasenso sa lugar ng makalangit na tagumpay!
Ang diyablo ay nagsusumikap na subukang tuksuhin kang iwasan ang simbahan, manatili sa bahay, at sa halip gumawa ng ibang bagay. Ngunit kaibigan, bakit mo ilalayo ang iyong sarili sa panahon na ang pinakakailangan mo ay ang pag-encourage?
Maaaring isalin ang Hebreo 10:25 bilang:
“Kapag nararamdaman mo ang kalungkutan at pagkabigo na parang ikaw ay nahuhuli sa lahat, hindi iyon ang tamang panahon upang lumayo sa ibang mananampalataya, gaya ng nagiging ugali ng ilan....”
Imbes na hayaan ang demonyo at ang laman mo na kontrolin ka sa mga sandali ng kahinaan, eto ang suhestiyon ko: Bukod sa pagdarasal at pagbabasa ng Bibliya sa bahay kapag pakiramdam mo ay down ka, humanap ka rin ng ibang mananampalataya o grupo ng mga mananampalataya na makakapagpatibay sa iyo sa pananampalataya at makakapagbigay ng encouragement sa’yo sa Panginoon. Pagkatapos makipag-lingkod sa mga taong may pananampalataya, pakiramdam mo ay ma-recharge ka at handa na ulit harapin ang mga hamon nang may panalong attitude!