17/05/2025
Ipinapaabot ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang taos-pusong pasasalamat sa mga mamamayan ng General Mariano Alvarez sa kanilang aktibong pakikilahok sa Halalan 2025. Sa pagtatala ng 79% voter turnout, muling pinatunayan ng ating bayan ang matibay na paninindigan sa demokrasya at sa karapatang pumili ng mga pinunong magsisilbi nang tapat at may malasakit.
Sa kabila ng karaniwang hamon at tensyon na dala ng bawat halalan, kapuri-puri ang ipinakitang disiplina, sigasig, at pag-asa ng mga botanteng GMA sa araw ng halalan.
Bilang tanging kinikilalang non-partisan Church-based citizens’ arm ng Commission on Elections, patuloy na ginampanan ng PPCRV ang tungkulin nitong isulong ang malinis, tapat, totoo, makabuluhan, at mapayapang halalan sa pamamagitan ng pagbabantay, pagbibigay-kaalaman, at pag-engganyo sa marangal na pagboto.
Sa taong ito, naging mahigpit at masigla ang labanan sa ilang pangunahing posisyon sa lokal na pamahalaan. Pinupuri ng PPCRV ang lahat ng kandidatong lumahok sa halalan, panalo man o hindi. Ang demokrasya ay nabubuhay sa pamamagitan ng aktibong partisipasyon ng mga mamamayan at mga kandidatong handang magsilbi nang tapat at walang pag-iimbot.
Nagpapasalamat din kami sa COMELEC, sa mga opisyal ng pamahalaan, sa aming mga masigasig at bayaning volunteers, at sa buong parokya sa matagumpay at mapayapang halalan. Magsama-sama tayong lahat sa pagsusulong ng mabuting pamahalaan, hindi lamang tuwing eleksyon kundi sa araw-araw na pamumuhay.
Sa mga nanalo, nawa’y manatiling buhay sa inyo ang pananagutang iniatang ng sambayanan. Sa mga hindi pinalad, sana’y hindi dito magtatapos ang inyong layunin na magsilbi.