Salita At Panalangin

Salita At Panalangin Salita At Panalangin by Ptr. Charles O. Alcid

Every Thursday, 8pm

22/01/2026
Pamagat: David: “Kung magkagayon na, aking tuturuang sa iyo lumapit ang makasalanan.”Ito po ay bahagi ng kinathang awit ...
21/12/2025

Pamagat: David: “Kung magkagayon na, aking tuturuang sa iyo lumapit ang makasalanan.”

Ito po ay bahagi ng kinathang awit ni David, ang Awit 51, nang siya’y harapin ni propeta Natan dahil sa kanyang kasalang nagawa na nilihim niya, pinagtakpan, hindi tunay na pinagsisihan.

Sa 2 Samuel 12, ganito po ang mababasa natin:
12 Isinugo ni Yahweh kay David ang propetang si Natan. Pagdating doon ay sinabi niya, “Sa isang lunsod ay may dalawang lalaki, mayaman ang isa at ang isa'y dukha. 2 Maraming kawan at bakahan ang mayaman, 3 samantalang ang dukha ay may isa lamang munting babaing tupa. Inalagaan niya ito at pinalaking kasama ng kanyang mga anak. Kinakalong niya itong parang anak na babae, isinasalo sa pagkain at pinapainom. 4 Minsan, may manlalakbay na naging panauhin ng mayamang lalaki. Sa halip na sa kanyang kawan kumuha ng hayop na papatayin, ang kaisa-isang tupa ng dukhang iyon ang kinuha ng mayaman. At iyon ang inihanda niya para sa kanyang panauhin.”
5 Napasigaw sa galit si David, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] dapat mamatay ang taong iyan! 6 Kailangang magbayad siya nang apat na beses sa kanyang ginawa, sapagkat inapi niya ang dukha.”
7 Sinabi agad ni Natan kay David, “Ikaw ang lalaking iyon! Ito ang ipinapasabi sa iyo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Ginawa kitang hari ng Israel, iniligtas kita mula sa mga kamay ni Saul. 8 Ibinigay ko na rin sa iyo ang sambahayan at mga asawa ni Saul pati ang mga lipi ng Israel at Juda. At mabibigyan pa kita ng higit pa riyan. 9 Bakit mo hinamak ang salita ni Yahweh at gumawa ka ng masama sa kanyang paningin? Ipinapatay mo ang Heteong si Urias sa mga Ammonita at kinuha mo pa ang kanyang asawa. 10 Dahil sa ginawa mong ito, at ako'y itinakwil mo, tandaan mong laging may mamamatay sa patalim sa iyong sambahayan.’ 11 Sinabi pa rin ni Yahweh, ‘Pag-aawayin ko ang iyong sambahayan; sa harapan mo'y ibibigay ko sa iba ang iyong mga asawa, at sisipingan sila kahit sa katanghaliang-tapat. 12 Ginawa mo ito nang lihim, hayag kitang paparusahan at makikita ito ng buong Israel.’”
13 Sinabi ni David kay Natan, “Nagkasala ako kay Yahweh.”
Sumagot si Natan, “Pinapatawad ka na ni Yahweh at hindi ka mamamatay.

Ang kasalanang ginawa ni David na pilit niyang pinagtakpan ay ang kasalanan ng pangangalunya at pagpatay. P**i basa nalamang 2 Samuel 11.
Nang ika nga’y ma-corner na si David ay pinahayag nanga niya na siya’y nagkasala, at pansinin po ninyo ang pag-amin niya, verse 13, “Nagkasala ako kay Yahweh.”

Maaari niyang sabihin kay propeta Natan, Nagkasala ako, oo pero huwag mo nang ipag-alala dahil ako ang pinakamakapangyarihan sa Israel, ako ang hari. O maaari niyang sabihing, nagkasala ako kay Batsheba ng pangangalunya, nagkasala ako ng pagpatay kay Urias, nagkasala ako sa pamilya nila, pamilya ko, nagkasala ako sa mamayang Israel bilang hari nila, ngunit walang pag-aalala dahil nga siya ang pinakamakapangyarihan sa Israel. Pero ang sinabi niya, “Nagkasala ako kay Yahweh.” Pagpapahayag niya siya man ang pinakamakapangyarihan sa Israel, siya’y nasa ilalim ng makapangyarihang Dios sa buong sangnilikha, kaya’t ang nagawa niyang kasalanan ay hindi lamang sa tao, kundi sa Dios.

Remember si apostol Pablo na umusig sa mga mananampalataya? Nang siya’y papuntang Damasco para usigin ang mga mananampalataya roon, siya’y sinalubong ng Panginoong Jesus sa pamamagitan ng liwanag na nakakasilaw at sinabi kay Pablo/Saulo: “Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig?” “Ako si Jesus, ang iyong inuusig,” Gaw 9: 4 at 5
Opo, anumang gawin nating masama sa kapwa natin ay ginawa natin sa Panginoon. Kaya si David ito ang tugon kay propeta Natan: “Nagkasala ako kay Yahweh.”

Sa Awit 51 verse 4 wika niya: Sa iyo lang ako nagkasalang tunay, at ang ginawa ko'y di mo kinalugdan; kaya may katuwiran ka na ako'y hatulan, marapat na ako'y iyong parusahan.
Hindi lamang niya kinilala na sa Dios siya nagkasala, kundi tinanggap na marapat lamang siyang parusahan.
Pinarusahan nga siya ng Panginoon, ngunit hindi katumbas ng kanyang kasalanan; na ang katumbas ay kamatayan. Tugon ni propeta Natan sa kanya sa verse 13b ng 2 Samuel 12: “Pinapatawad ka na ni Yahweh at hindi ka mamamatay.
Pinatawad nga po siya ng Panginoon.

Opo, ang marapat sa atin ay parusa sa ating makasalanan, ang parusa ay kamatayan. Maaari niyang kunin ang ating buhay sa isang kisapmata, ngunit binibigyan niya tayo ng buhay at ito ay biyaya ng Dios at opo pagkakataon para tayo ay magsisi at manumbalik sa Kanya. Wika po ni apostol Pedro sa kanyang pangalawang sulat, chapter 3: 9 Ang Panginoon ay hindi nagpapabaya sa kanyang pangako (ang Siya’y muling babalik) gaya ng inaakala ng ilan. Sa halip, nagbibigay siya ng pagkakataon sa lahat sapagkat hindi niya nais na may mapahamak, kundi ang lahat ay makapagsisi at tumalikod sa kasalanan.

Nawa nga po ngayong kapaskuhan ay tunay mong maranasan ang tunay na hatid ng Dios sa araw ng Pasko, ang pagpapatawad Niya at gaya ni David, hindi lang natin masabi kundi gawin: “Kung magkagayon na, aking tuturuang sa iyo lumapit ang makasalanan.”Awit 51: 13

Hanggang sa muli po!:) Merry Christmas po! Tsup!

Pamagat: PiDeL: “Kilala N’yo Ba Siya?”:)Lucas 23: 32 May dalawa pang kriminal na inilabas ang mga kawal upang pataying k...
15/12/2025

Pamagat: PiDeL: “Kilala N’yo Ba Siya?”:)

Lucas 23: 32 May dalawa pang kriminal na inilabas ang mga kawal upang pataying kasama ni Jesus. 33 Nang dumating sila sa isang bundok na tinatawag na Bungo, ipinako nila si Jesus sa krus. Ipinako rin ang dalawang kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kaliwa. [34 Sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”
Nagpalabunutan ang mga kawal upang paghati-hatian ang kasuotan niya. 35 Ang mga tao nama'y nakatayo roon at nanonood, habang si Jesus ay kinukutya ng mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas niya ngayon ang kanyang sarili kung siya nga ang Cristo na hinirang ng Diyos!”
36 Nilait din siya ng mga kawal. Nilapitan siya ng isa at inalok ng maasim na alak, 37 kasabay ng ganitong panunuya, “Kung ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.”
38 Mayroon ding nakasulat sa kanyang ulunan [sa wikang Griego, Latin at Hebreo], “Ito ang Hari ng mga Judio.”
39 Tinuya rin siya ng isa sa mga salaring nakapako sa tabi niya, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at pati na rin kami.”
40 Ngunit pinagsabihan naman ito ng kanyang kasama, “Wala ka na bang takot sa Diyos? Ikaw ay pinaparusahan ding tulad niya! 41 Tama lamang na tayo'y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito'y walang ginawang masama.” 42 At sinabi pa nito, “Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.”
43 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo, isasama kita ngayon sa Paraiso.”

Marahil narinig mo na ang mga salitang ito: “Kahit si Satanas, hindi ka tatanggpin sa impiyerno sa sama mo!” Hindi ko na po maalala, pero palagay ko sa isang pelikulang action ko ito narinig. At marahil nga sa totoong buhay ay nasasabi rin ang ganitong mga salita.
Dito po sa Lucas 23: 32-43 ay may tatlong pinako sa krus at isa nga po ay ang Panginoong Jesus na tumanggap ng lahat ng panunuya. Panunuyang sinabi ng mga pinuno ng bayan; mga religious people pa: “Iniligtas niya ang iba; iligtas niya ngayon ang kanyang sarili kung siya nga ang Cristo na hinirang ng Diyos!”

Panunuya ng mga kawal o sundalo: “Kung ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.”

Panunuya ng mga kapwa niya nakapako sa krus (opo, dalawa po silang nanuya, mababasa po natin sa MAteo 27:44): “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at pati na rin kami.”

At marahil nga, hindi na pinansin ang dalawang nakapako sa krus hindi dahil inosente sila o biktima ng inhustisiya, kundi gaya ng maririnig din natin “latak ng lipunan” ang turing na sa kanila.

Imagine, kung paano tinitignan sila na nakabayubay sa krus na isang uri ng pagpaparusa na napakabrutal at kahiya-hiya. Walang taong naroon na tinitignan o naiisip na napakabuti ng kalagayan nila na nakapako sa krus. At marahil tayo man ay ganoon ang maiisip kung hindi natin nalaman ang buong pangyayari.
Ano nga ba ang nangyari sa isa na pinangalanan ko pong PiDeL.
Nang tuyain ng isa sa nakapako sa kru ang Panginoong Jesus,tumugon si PiDeL:
v40 Ngunit pinagsabihan naman ito ng kanyang kasama, “Wala ka na bang takot sa Diyos? Ikaw ay pinaparusahan ding tulad niya! 41 Tama lamang na tayo'y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito'y walang ginawang masama.”
Verse 42, At sinabi pa nito, “Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.”

Matuturing ngang napakasaklap ng kanyang kalagayan. At marahil tinuturing mong napakasaklap ng kalagayan mo ngayon, nawa gaya ni PiDeL ikaw ay manalig sa Panginoong Jesus. Dahil opo, napakasaklap nga ng kalagayan ni PiDeL ngunit hindi natapos ang kanyang buhay sa ganoong kalagayan nang siyang nanalig sa Panginoong Jesus.

Nanalig nga ba siya?
V40, nagpahayag siya ng takot sa Dios
V41, kinilala niyang makasalanan siya at nararapat ng parusa.
V41, kinilala niyang si Jesus ay walang kasalanan at…
V42: “Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.”
Kinilalala niyang Panginoon at Tagapagligtas ang Panginoong Jesus.
Tunay nga ba ang kanyang pananampalataya? Tunay po, nakakatiyak po tayo sa sagot ng Panginoong Jesus sa kanya:
43 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo, isasama kita ngayon sa Paraiso.”

Tunay isa po ito sa malinaw, matibay na patunay na ang Panginoong Jesus ay pumunta rito sa lupa, naging tao upang maging handog sa ikapagpapatawad ng lahat ng makasalanang magsisisi at mananalig sa Kanya. Ito ay patunay ng laki ng kahabagan ng Dios sa makasalanan na kahit nga ang taong ito na nasa ika nga’y last two minute na ng buhay niya, ngunit nang siya’y nanalig sa Panginoon ay nagtamo ng kapatawaran at buhay na walang hanggan sa kaharian ng Panginoon.

Marahil tinitingnan mo ang buhay mo na nabubuhay lamang sa kasalanan at wala na ngang pag-asang mapatawad pa ng Panginoon. Nawa gaya ni PiDeL ay maranasan mo ang pagpapatawad at pagliligtas ng Panginoon.

Manalig po kayo sa Kanya.

tsup!

Pamagat: “Ganyan ang Ilan sa Inyo Noon”1 Corinto 6: 9-119 Hindi ba ninyo alam na ang mga makasalanan ay walang bahagi sa...
14/12/2025

Pamagat: “Ganyan ang Ilan sa Inyo Noon”
1 Corinto 6: 9-11
9 Hindi ba ninyo alam na ang mga makasalanan ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos? Huwag ninyong dayain ang inyong sarili! Ang mga nakikiapid, sumasamba sa diyus-diyosan, nangangalunya, nakikipagtalik sa kapwa lalaki o kapwa babae, 10 nagnanakaw, sakim, naglalasing, nanlalait ng kapwa, o nandaraya, ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos. 11 Ganyan ang ilan sa inyo noon. Subalit nilinis na kayo sa inyong mga kasalanan at ginawa na kayong banal ng Diyos. Pinawalang-sala na kayo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos.
Ito po ay bahagi ng unang sulat ni apostol Pablo sa mga mananamapatalaya sa Corinto. Ang Corinto po ay napakaunlad na lugar kung saan po may dalawa po silang port o daungan para sa pangangalakal, ngunit laganap ang pagsamba sa mga dios-diosan at napakataas ng sexual immorality; mapapansin po natin na nabanggit po ito sa mga talatang ito, sa 1 Corinto 6:9-11. Hayaan n’yo pong hatiin ko po sa tatlong puntos ang paksang ito.

Una, Ang Makasalanang Tao
Verses 9-10, ay binanggit ang ilang mga kasalanang nagagawa ng makasalanang tao. Nariyan nga ang pakikiapid, pagsamba sa dios-diosan, pangangalunya, pakikipagtalik sa kapwa babae o kapwa lalaki, pagnanakaw, kasakiman, paglalasing, panlalait, pandaraya. Imagine, napakaunlad ng siyudad na ito, pero nababatbat ng maraming kasamaan. Ito ay nagpapatunay na hindi po pera ang sagot para hindi gumawa ng kasamaan ang tao. Hindi nga’t kahit nga po sa kapaskuhan ay marami ang nananamantalang nasa kapangyarihan, maunlad o maraming pera?

Nabanggit ang…
…P**ikiapid. Gaano karaming mayayaman, nasa kapangyarihan (hindi naman natin nilalahat) ang gumagawa nito?
…P**ikipagtalik sa kapwa lalaki o kapwa babae. Gaano ito laganap hindi lang sa ibang bansa kundi maging sa ating bansa at maging sa mga simbahan na nagpapahayag na sila’y sa Dios ay tanggap narin ang ganitong gawaing kinasusuklaman ng Dios. Ginagamit pa ang salita ng Dios para bigyang katwiran na ang ginagawa nila’y naayon sa salita ng Dios.
Kung hindi man tayo nangangalunya, o gumagawa ng mga nabanggit dito, ngunit sino nga ba sa atin, sa mundong ito (siyempre maliban sa Panginoong Jesus) ang nabuhay, nabubuhay na hindi nagkakasala o ni minsa’y hindi nagkasala?
Wika ng Panginoong Jesus sa Lucas 13:3 at inulit sa verse 5 5 Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong tulad nila.”

Pangalawa po, Ang Matuwid/Banal na Dios
9 Hindi ba ninyo alam na ang mga makasalanan ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos?
Opo, dahil ang Dios ay matuwid, banal at ang lahat ng tao ay makasalanan, kaya’t walang sinumang tao ang makakabahagi sa kaharian ng Dios. Maliban siya’y kahabagan ng Dios.

Pangatlo at panghuli po: Ang Mayamang Habag ng Dios
Opo, ang Dios ay matuwid/banal at ang tao ay makasalanan ngunit salamat ang Dios ay mayaman sa kahabagan, kung kaya’t ang makasalanang-tao ay may pag-asang makapasok sa Kanyang kaharian, at ‘yan ang ginawa ng Dios sa paamamagitan ng Panginoong Jesus. Again, wika ng verse 11:

11Ganyan ang ilan sa inyo noon. Subalit nilinis na kayo sa inyong mga kasalanan at ginawa na kayong banal ng Diyos. Pinawalang-sala na kayo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos.

Pansinin po ninyo ang nga salitang: “nilinis kayo,” “ginawa na banal,” at “pinawalang-sala na kayo,” lahat ng ito ay nagsasabi na ang naglinis, nagpabanal at nagpawalang sala sa makasalanang tao ay hindi ang kanyang sarili, kundi ang Dios.

Ganito nakita ni apostol Pablo ang Dios, na ang Dios ang makakapagligtas sa tulad niyang pinakamasa sa lahat ng makasalanan. Wika po niya sa Roma 7: 24-25a
24 Kay saklap ng aking kalagayan! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito na nagdadala sa akin sa kamatayan? 25 Wala nang iba pa kundi ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon! Salamat sa kanya!

Nawa, makita ninyo ang inyong pagiging makasalanan, ang kawalan mo ng karapatang makabahagi sa kaharian ng Dios, at makita mo rin at maranasan ang kahabagan ng Dios na magdala sayo sa pagsisisi sa iyong kasalanan at pananalig sa bugtong na Anak ng Dios-ang Panginoong Jesus at masabi n’yo po gaya ni apostol Pablo:

24 Kay saklap ng aking kalagayan! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito na nagdadala sa akin sa kamatayan? 25 Wala nang iba pa kundi ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon! Salamat sa kanya!

Salamat nga po O Dios ako’y PINATAWAD!

tsup!

Address

Dasmarinas
4114

Website

Alerts

Be the first to know and let us send you an email when Salita At Panalangin posts news and promotions. Your email address will not be used for any other purpose, and you can unsubscribe at any time.

Share