24/10/2025
GINHAWA
Sino bang may ayaw sa kumportableng k**a,
sa unan na malambot at kumot na bagong laba?
Sino bang may ayaw sa aircon na malamig,
habang sa labas, ang iba’y naglalakad sa init?
Sino bang may ayaw sa masarap na kape sa umaga,
sa tinapay na may palaman at kwentuhang magaan?
Sino bang may ayaw sa hapag na puno ng ulam?
Sino bang may ayaw sa Netflix and chill,
sa weekend na walang iniisip kundi pahinga?
Sino bang may ayaw sa sariling bahay,
sa sasakyang hindi na kailangang mamasahe pa?
Sino bang may ayaw sa diploma at magandang trabaho,
sa bansang hindi mo kailangang iwan para lang umasenso?
Sino bang may ayaw sa bagong sapatos,
sa cellphone na walang basag at hindi paatras mag-charge,
sa wallet na hindi kailangang buksan nang may kaba,
sa takot na baka kulang na naman ang laman?
Sino bang may ayaw sa buhay na walang utang,
sa mga bayarin na kayang bayaran agad?
O sa lakad na walang iniintinding gastos?
Sino bang may ayaw sa trabaho na hindi nakakapagod,
o sa sweldong sapat hanggang katapusan?
Sino bang may ayaw sa bakasyon sa dagat,
sa bagong damit tuwing Pasko,
sa mga sandaling walang problema,
sa buhay na puro saya at walang kabigatan?
Sino bang may ayaw sa mga planong natutupad,
at sa mga pangarap na abot-k**ay na?
Sino bang may ayaw sa kaginhawaan?
Tumingin ako sa salamin.
At mabuting pinagmasdan ang aking sarili
inaaral bawat anggulo, bawat detalye,
bawat pagnanais, bawat pangarap.
At muli kong tinanong
Sino nga bang may ayaw sa ginha-
Pero teka…
Sa salamin, may basag ata.
Sa lalong pagtitig ko, nakita ko ang mga bitak
maliliit sa una,
pero may iilang malapit nang kumalas,
malapit nang bumagsak.
Walang malay na nawala ako sa aking pagtatanong,
itinuon sa salamin na sinusubukan kong hawakan.
Pero nang mahawakan ko ang ibabaw,
nagsimulang mahulog ang lahat.
Hindi ko na kayang pigilan,
ngunit tinangka ko pa ring pulutin, ayusin, ibalik sa dati—
ako lang ang nasugatan.
Huminto ako.
Umatras ng bahagya.
At muling tumingin sa salamin.
Napagtanto kong…
maayos naman pala ang salamin.
Ako pala ang may basag.
Ako pala ang hindi buo.
Ako pala ang durog.
Ako pala ang bumagsak.
Hindi ko maunawaan
Tulad ng biglang pagbabago ng tulang ito,
na biglang lumihis pasalamin.
Akala ko’y wala nang koneksyon,
na nawala na ako sa paksa,
pero gaya ng mga pangyayari sa buhay,
may dahilan pala ang bawat pagliko.
Minsan, hindi natin agad nakikita,
na kahit ang tila walang saysay na sandali,
ay bahagi ng kabuuan ng tula,
na Siya mismo ang sumusulat.
Na minsan pala, sa paghahangad ko sa kaginhawaan
Ako ang nawawala sa tunay na daan
na siyang sa akin ay bumabasag
“Panginoon,”
“Anong nais Mong ituro?”
Naglilingkod na ako
naranasan ko na ang pagmamahal mo,
pero bakit sarili ko pa rin ang nakikita ko?
Bakit kailangan pa akong durugin?
Bakit kailangan pa akong basagin?
Ah…
Kailangan akong durugin
para Siya ang manatiling buo sa akin.
Kailangan akong basagin
para Siya ang manatiling ayos sa akin.
Dahil…
Kailan ba naging magaan ang pagpapasan ng sariling krus?
Kailan ba naging madali ang pagsunod sa Kanya?
Kailan ba naging madali maging mabuti,
lalo na kapag tayo ang inaapi?
Kailan naging madali ang magpakumbaba,
kung ang mundo’y paligsahan ng yabang at ganti?
Kailan naging madali ang magmahal,
kung paulit-ulit kang sinasaktan?
Kailan naging madali ang magalak,
kung bawat araw ay tila sumasadsad sa wala
Kailan naging madali ang magkaroon ng kapayapaan,
kung lagi kang binibisita ng ingay ng isipan?
Kailan naging madali ang magtiis,
kung minsan ang gusto mo na lang ay sumuko?
Kailan naging madali ang maging mabait,
kung sa kabutihan mo’y may umaabuso?
Kailan naging madali ang manatiling tapat,
kung mas madali namang lumihis kaysa manindigan?
Kailan naging madali ang maging mahinahon,
kung galit na ang umiikot sa paligid mo?
Pero hindi ba ito ang totoong bunga
ang totoong testimonya na sumusunod ka sa Kanya?
Na sa hirap nasusubok ang totoong puso?
Hindi ba ito dapat ang nakikita sa iyo?
Hindi ba dapat si Hesus ang sinasalamin mo,
at hindi ikaw?
Pero… muli…
Sino nga bang may ayaw sa ginhawa?
Ako pala.
Ayoko ng ginhawa kung kapalit ay paglayo sa Iyo.
Ayoko ng kumportableng k**a,
unan na malambot, kumot na bagong laba,
kung magiging dahilan lang ito
ng pagkatulog ko sa realidad ng paglilingkod.
Ayoko ng aircon na malamig,
kung nasa initan ang tunay na gawain.
Ayoko ng masarap na kape,
tinapay na may palaman, kwentuhang magaan,
At Hapag na puno ng ulam, kung sa dulo, ginugutom naman ako sa Iyong salita.
Ayoko ng trabahong hindi nakakapagod,
kung ang pahinga ko ay walang saysay sa Kaharian.
Ayoko ng sweldong sapat hanggang katapusan,
kung wala namang laman ang puso ko sa gitna ng kasapatan.
Ayoko ng bakasyon sa dagat,
kung ang alon ng mundo ang dahan-dahang lumulunod sa pananalig
Ayoko ng bagong damit tuwing Pasko,
kung nakakalimutan kong may pusong kailangan pang damitan ng pag-ibig.
Ayoko ng mga sandaling walang problema,
kung kapalit ay kawalan ng pananampalataya.
Ayoko ng buhay na puro saya at walang kabigat
Ayoko ng buhay na puro saya at walang kabigatan,
kung ang saya ko ay walang direksyon,
at ang ginhawa ko ay walang dahilan.
Ayoko ng mga planong natutupad,
kung hindi na Ikaw ang nasa plano.
Ayoko ng pangarap na abot-k**ay,
kung sa pag-abot ko, nailalayo ko naman ang k**ay ko sa Iyo.
Ayoko ng mga sandaling panatag,
kung kapalit ay puso kong hindi na nag-aalab.
Ayoko ng ginhawa,
kung doon ako nagiging kampante,
Ayoko ng ginhawa,
kung doon ako natututong hindi na lumapit.
Kung sa kahirapan Kita matatagpuan,
hayaan Nawa akong maghirap.
Kung sa kapighatian Kita mararanasan,
hayaan Nawa akong mamighati.
Kung sa pag-iisa ko Kita makikilala,
hayaan Nawa akong mag-isa.
Kung sa kawalan ko mas lalo mo akong mahahawakan,
hayaan Nawa akong mawalan at yakapin ng Iyong kapunuan.
Kung sa pagkapagod ko Kita mas makakausap,
hayaan Nawa akong mapagod sa tamang laban.
Kung sa pagkadapa ko Kita mas mauunawaan,
hayaan Nawa akong bumagsak sa Iyong paanan.
At kung sa pagkawala ng lahat, ako muling mahahanap,
hayaan Nawa akong mawalan ng lahat,
basta’t manatili lamang ang pag ibig Mo.
At kung ito man ang halaga ng presensya Mo,
kung ito man ang presyo ng pagkilala sa Iyo
Tatanggihan ko ang kaginhawaan ng mundo.
E, Ikaw?
Sa tuwing haharap ka sa salamin,
Sinong nakikita sa ‘yo?
Siya ba, o ang sarili mo?
-Maui, 2025
AGCC