17/08/2026
Opisyal na Tugon ng ReBAPC Tungkol sa Isyu ng Pillar of Truth Reformed Gospel Church (POTRGC).
Magandang gabi, mga kapatid at mga kamanggagawa sa Panginoong Jesukristo.
Ang tugon na ito ay kaugnay ng pampublikong liham na inilabas ng Perseverance Reformed Baptist Church (PRBC) na naglalaman ng kanilang opisyal na tinatayuan tungkol sa Pillar of Truth Reformed Gospel Church (POTRGC) at sa kasalukuyang katayuan ni G. Jeremiah L. Jangad. Ito ay isang mabigat na pasya matapos ang mahaba at malalim na talakayan sa mga kapatid at iglesiyang may direktang kaugnayan sa isyu na ito. Ang opisyal na liham ng PRBC ay mababasa gamit ang link na ito:
https://www.facebook.com/share/p/1E8e85dBMo/
Kami, ang mga kaanib ng buklurang ito, ayon sa Salita ng Diyos, ay nagpapahayag at naninindigan na:
1. Ang Ebanghelyo ng Panginoong Jesukristo ay isang ministeryo ng pakikipagkasundo (2Cor. 5:18-20);
2. Ang iglesiya ay itinatag ni Jesukristo upang ipahayag ang katotohanan sa diwa ng pag-ibig; sa paggabay ng mga pastor at mga g**o, tungo sa paglago sa pananampalataya at tumatag laban sa katusuhan ng tao at maling doktrina (Eph. 4:11-16);
3. Ang bawat lokal na iglesiya ay may pantay-pantay na awtoridad na magsagawa at magpataw, sa kani-kanilang iglesiya, ng mga pasya sa lupa tungkol sa usapin ng nagtutuwid na disiplina ayon sa pamantayan ng Diyos (Matt. 18:18-20);
4. Ang pagiging pastor ay isang mabuting pagkatawag mula sa Diyos, at ang sinumang nagnanais nito ay nararapat mamuhay sa kabanalan at katapatan, upang hindi mapulaan o madungisan ang opisinang ito (1 Tim. 3:1-7)
5. Ang pagpapayapa ay isinasagawa sa malinaw na pagkilala sa kasalanan, paghahayag nito sa isa’t isa, mapagpakumbabang pagtanggap ng pagtutuwid, at pagsisikap tungo sa pagkakasundo (Matt. 7:1-4; Gal. 6:1-2; James 4:6-12; 5:16)
6. Ang layunin ng pagtutuwid ay ibunyag ang mga gawang masama at hindi madaig ng kaaway ang iglesiya (2 Tim. 2:23-26; 1 Pet. 5:8);
7. Ang bagong utos ng Panginoong Jesukristo ay ang mag-ibigan bilang Kanyang mga alagad sa mata ng sanlibutan, at kalakip nito ang maamong pagtutuwid sa ngalan ng katotohanan at pagtindig laban sa mga diyus-diyosan. (1 John 5:16-21)
Hinggil sa kaugnayan ng POTRGC sa ReBAPC:
1. Ang pormal na pagtatatag ng Reformation Conferences (RefCon) ay nagsimula noong 2012 sa pagtutulungan ng mga sumusunod na iglesiya: Dasmarinas Community of Life Church (ngayon ay Reformed Life Community Church), Cross Bearer Community Church, Grace Through Faith Community Church, at Grace of Calvary Community Church (ngayon ay Grace of Calvary Reformed Baptist Church). Ang unang conference ay ginanap sa Holiness in Jesus Church sa Bulihan, Silang, Cavite. HINDI KABILANG rito si G. Jangad.
2. Ang RefCon ay isa sa mga kasalukuyang proyekto ng ReBAPC bilang pagpapatuloy sa simulain ng repormasyon dito sa Cavite, sa loob at labas ng aming mga lokal na iglesiya.
3. Ang tinaguriang "RefCon" na isasagawa ngayon ng POTRGC ay WALANG DIREKTANG KAUGNAYAN sa aming proyekto bilang ReBAPC. Ito ay nakabukod na gawain ng kanilang itinayong iglesiya sa pangangasiwa ni G. Jangad.
4. Ang pagkakaluklok kay G. Jangad bilang PASTOR ng POTRGC ay HINDI KINIKILALA ng mga pastor sa aming bukluran. Ito ay paggalang sa kasalukuyang katayuan niya sa PRBC (dating Herald of Grace Covenant Bible Church). Kaugnay nito, ang pag-iral ng POTRGC bilang iglesiya ay HINDI RIN KINIKILALA alinsunod sa katayuan ng kanilang iniluklok na pastor. Hindi nangangahulugan na ang bawat miyembro ng POTRGC ay hindi tunay na mananampalataya, kundi nasa ilalim ng pamumuno ng isang pastor na may kaduda-dudang pagkatawag.
5. Ang tangi naming nais ay magpakumbabang magpasailalim sa biblikal na proseso si G. Jangad upang maisaayos ang kaniyang kasalukuyang ugnayan sa kanyang pinanggalingang iglesiya (PRBC).
Dahil rito, ang bawat iglesiyang kaanib ng ReBAPC ay magsisikap na gabayan ang aming mga iglesiya tungkol sa usaping ito at sisikaping makibahagi sa panalangin. Patuloy kaming kakapit sa wika ng Panginoong Jesus: “…ang mga pintuan ng Hades ay hindi magwawagi laban sa Kanya.” Mt. 16:18
Sa lahat ng mga pangyayaring ito, nawa, ang bawat iglesiya’y patuloy na pagkaisahin tungo sa ikapupuri ng Ama sa pamamagitan ng Anak, at sa pagkilos ng Banal na Espiritu. Dumating ka nawa, Panginoong Jesus!
Kaming mga pinag-isa ni Cristo sa pag-ibig sa buklod ng kapayapaan,
Mga kaanib ng Reformed Baptist Association in the Province of Cavite (ReBAPC)
Reformed Life Community Church (RLCC)
Grace Through Faith Community Church (GTFCC)
Cross Bearer Community Church (CBCC)
Grace of Calvary Reformed Baptist Church (GCRBC)
Sovereign Grace of Christ Christian Church (SGCCC)
Ang mga litratong nakakabit sa paskil na ito ay ang mga sumusunod:
1. FB page ng POTRGC
2. Poster ng "RefCon"