16/06/2021
Today's Take-Away | June 16
Job 2:10
Nguni't sinabi niya sa kaniya, Ikaw ay nagsasalita na gaya ng pagsasalita ng hangal na babae. Ano? tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Dios, at hindi tayo tatanggap ng masama? Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job ng kaniyang mga labi.
Applicable 'to sa ating lahat ngayon. Alam naman natin yung naging kwento ng buhay ni Job. Yung lahat ng pag papala tinamasa niya tapos sinabi ni satanas na kaya lang nag tatapat at sumusunod si Job sa Panginoon, ay dahil nga sa puro pagpapalang tinatanggap niya kaya pinahintulutan ng Panginoon na subukin si Job. Sa buhay naman natin ngayon dahil pandemic iba't-ibang pag subok ang dumarating at nararanasan natin. Ang mahalaga ay wag mawala yung relasyon natin sa Diyos dahil doon tayo kukuha ng lakas para mapanagumpayan natin lahat ng anumang pagsubok o problemang dumating. Gaya ng ginawa ni Job, patuloy siyang naniwala at hindi nawala ang pananampalataya niya kahit pati asawa niya ay oppose na sa kinikilala niyang Diyos. Nawala rin lahat ng mayroon si Job pero patuloy siyang nag tiwala sa Panginoon. Ganon din dapat sa atin, na sa kabila ng mga nararanasan nating pag subok, patuloy na maniwala at magkaroon ng buhay na pananampalataya upang hindi mawala yung relasyon at patuloy tayong gagabayan ng Panginoon. Hindi ibig-sabihin na hindi tayo pababayaan ay hindi na tayo makakaranas ng mga problema at pagsubok kundi gagabayan niya tayo habang tayo’y dumaranas sa mga pagsubok na ito.
Prayer: Panginoong Diyos na makapangyarihan sa lahat, patuloy po kaming nag papasalamat sa hininga ng buhay na Inyong patuloy na binibigay sa bawat isa sa amin gayon din sa patuloy na pag sapat sa aming araw-araw na pangangailangan, sa patuloy na pag gabay sa bawat isa sa amin sa kabila ng pandemya na aming dinaranas ngayon. Patuloy Niyo kaming binibigyan ng lakas ng pangangatawan at hindi Niyo po kami hinahayaan na mahawa sa sakit na ito. Dinadalangin po namin ang mga nasa banig ng karamdaman; nawa Panginoon haplusin Niyo po sila ng Inyong mapag pagaling na kamay upang sila po ay mag karoon na ng kaginhawahan. Dinadalangin din po namin ang aming mga kasalanan na nawa Panginoon ay bigyan Niyo po kami ng bagong puso upang patuloy na po kaming makasunod sa Inyong kalooban. Maraming salamat po sa pag dinig sa aming mga panalangin. Ito lamang po ang aming dalangin sa matamis na pangalan ng Inyong Anak na si Jesus, amen.
© Mary Luck Dionicio