10/05/2026
Happy Mothers day!!!
"Tula ng pagmamahal mula sa aming Kapatiran. ✨ Proud kaming ibahagi ang likhang-sining ni Bro. Marc Macalanda para sa lahat ng mga dakilang Ina. Saludo kami sa iyong talento at sa lahat ng nanay! "
“SALAMAT AKING INA”
Composed: Marc Macalanda
Mula una, nung namulat ang aking mga mata,
Sa mundong punong puno ng kaba,
Ikaw ang nagbigay sigla at sa akin ay umaruga,
Tinuruan kung paano sumulat at bumasa.
Pinilit itaguyod kahit buhay ay maralita,
Isang kahid isang tuka, buhay natin sa tuwina,
Araw-araw ikaw ay naglalaba,
Nagpakahirap sa pagkuskos at pagpiga,
Upang pagsapit ng umaga,
may mailatag sa lamesa,
At ang kumakalam na sikmura,
ay bahagyang tumila.
Kaya salamat ina,
sa lahat ng iyong sakripisyo at mga gawa.
Kasi simula pa nung una,
andiyan ka at di kami inabandona.
Sa panahong kami ay binata na,
Naging sakit sa ulo, sakit sa bulsa,
At sakit sa bunganga,
pero ang pagbunganga nyo pala,
Ay paraan para maipadama na kami'y mahalaga.
At sa iyong mga salita,
Kami'y unti-unting tinatama.
Kaya Salamat aking ina,
Dahil dika nagsawa na nagpa-alala,
Upang landas namin ay hindi mapariwara.
At kahit ngayon kami ay may asawa na,
Anjan ka na gumagabay at nagpa-paalala,
Kung paano lumakad ng tama,
sa buhay may asawa.
Minsan kahit walang wala ka na,
Binibigay mo parin ang inyong pera,
Para matugunan,
ang pangangailangan ng aking pamilya.
Maging mga apo mo pa,
ay pasimpleng inaabutan, ng papel at barya.
Upang maipadama,
na maging sila din, sayo ay mahalaga.
Wagas at labis ang pag ibig mo aking Ina.
Mapalad ako dahil binigyan ni bathala.
Ng regalong walang hihigit pa.
Yun ay walang iba, Kundi ikaw oh aking Ina.
Ang mga Salita ay kulang para pasalamatan ka,
Aking Ina di ko man palaging nasasalita,
Pagmamahal ko sayoy laging ipadadama,
Dahil buhay mo, sa amin ay mahalaga,
Kaya panalangin ko sa Diyos na lumikha.
Malakas na Resistensya,
katawang punong-puno ng saya at sigla,
At buhay na mahaba.
Upang mga apo mo, ay makita pang magsi-asawa.
Sa iyong pagtanda, huwag mag-alala,
Gagawin lahat ng aming makakaya,
Para alagaan at mahalin ka,
Hanggang sa dulo ng aming hininga,
Ipapa-kita at ipapa-dama ang mga salitang,
"MAHAL KITA OH AKING INA".
Kaya sa simpleng tula na aking ginawa,
Nais kung ipabatid ang mga katagang
"SALAMAT AKING INA"🤱❤️😇
To God be the Glory! 🙏