14/08/2024
DAKILANG KAPISTAHAN NG PAG-AAKYAT SA LANGIT SA MAHAL NA BIRHENG MARIA
Agosto 15
Sambayanan, Manalangin Tayo!
PANALANGIN SA NUESTRA SEÑORA DE LA ASUNCION
Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo, Amen.
Ama naming makapangyarihan, sa Iyong kaningningan
Naakit ang Mahal na Birheng Maria Sa tulong ng Iyong biyaya
Namuhay siyang kalinis-linisan at karapat-dapat sa Iyong itinakda
Kaya't pinagpala Mo siyang iniakyat sa kalangitan taglay ang kaluluwa't katawan
Ibinigay Mo sa amin siyang Ina at huwaran
Sa tulong ng kanyang mga panalangin at sa pagsasaloob namin ng mga bagay sa kaitaasan
Pagindapatin Mo na kami'y mamuhay rin sa kalinisan
At karapat-dapat sa Iyong mga itinakda
At kaisa niya'y magtamasa sa Iyong piling ng kaningningang walang maliw sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan. AMEN.
Sa iyong tangkilik, kami’y dumudulog O banal na Ina ng Diyos.
Huwag mo nawang siphayuin ang aming mga dalangin,
Kami na mga dumaranas nang mahigpit na pagsubok,
Bagkus ilayo mo kami sa lahat ng kapahamakan,
O pinagpala at maluwalhating Birhen.
Nuestra Señora de la Asunción,
Ipanalangin Mo kami!
Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo, Amen.