24/05/2026
Sermon Notes:
Title: Living as God’s People
Text: Genesis 46:28-34
Speaker: Rev. Jerome Caparas
Date: May 24, 2026
Points:
I. Follow God’s Direction Even When the Path Is Unfamiliar (Genesis 46:28–29)
II. Find Comfort in God’s Faithfulness During Life’s Journeys (Genesis 46:29–30)
III. Function Faithfully as God’s People in the World (Genesis 46:31–34)
_____________________
Ang Genesis 46:28–34 ay hindi lang simpleng kuwento ng pagdating ni Jacob at ng kaniyang pamilya sa Egypt. Matapos ang mahabang panahon ng lungkot at paghihiwalay, muli nilang makikita si Joseph. Pero higit pa sa family reunion ang tagpong ito. Inilalagay ng Diyos ang Kaniyang bayan sa lugar na bahagi ng Kaniyang mas malaking plano.
Tinuturuan tayo ng talatang ito kung paano mamuhay bilang mga tao ng Diyos habang nabubuhay sa mundong hindi natin tunay na tahanan. Tulad ng Israel sa Egypt, nabubuhay din tayo sa mundong ito habang naghihintay sa mas dakilang tahanan na inihanda ng Diyos.
I. Follow God’s Direction Even When the Path Is Unfamiliar
(Genesis 46:28–29)
Nang papunta sila sa Egypt, ipinadala ni Jacob si Judah upang manguna sa daan. Hindi madali para kay Jacob ang pagpunta sa Egypt dahil iiwan niya ang pamilyar na lugar at papasok sa hindi niya alam. Pero sumunod siya dahil nagsalita ang Diyos.
Madalas gusto natin malaman ang buong plano bago tayo sumunod kay Lord. Gusto natin ng kasiguruhan bago gumawa ng hakbang. Pero ang pananampalataya ay hindi tungkol sa alam ang lahat ng detalye. Ang pananampalataya ay pagtitiwala sa Diyos na alam ang lahat.
Maraming beses din sa buhay natin na dinadala tayo ni Lord sa mga sitwasyong hindi natin inaasahan. Maaaring bagong trabaho, problema, sakit, o mahirap na desisyon. Hindi laging malinaw ang dahilan, pero ang Diyos ay hindi nagkakamali sa Kaniyang pag-akay.
Si Jesus din ay lubos na sumunod sa kalooban ng Ama kahit ang daan ay humantong sa krus. Dahil nagtiwala si Cristo sa Ama, maaari rin tayong magtiwala sa direksyon ng Diyos.
II. Find Comfort in God’s Faithfulness During Life’s Journeys
(Genesis 46:29–30)
Isa ito sa pinaka emosyonal na tagpo sa Genesis. Mahigit dalawampung taon naniwala si Jacob na patay na si Joseph. Dinala niya ang sakit at lungkot sa mahabang panahon. Pero ngayon, muli silang nagkita. Sa wakas nakita ni Jacob ang anak na akala niyang nawala na habang buhay. Ang akala niyang katapusan ay bahagi pala ng plano ng Diyos.
Minsan ganito rin tayo. Kapag may problema o paghihintay, iniisip natin na pinabayaan na tayo ni Lord. Pero madalas ang hindi natin naiintindihan ngayon ay bahagi pala ng mas malaking ginagawa Niya.
Ang muling pagkikita nina Joseph at Jacob ay larawan din ng mas dakilang pag-asa kay Cristo. Akala ng mga tao tapos na ang lahat nang mamatay si Jesus, pero Siya ay muling nabuhay. Dahil buhay si Cristo, sigurado tayong tapat ang Diyos sa Kaniyang mga pangako.
III. Function Faithfully as God’s People in the World
(Genesis 46:31–34)
Sinabihan ni Joseph ang kaniyang pamilya na maging tapat tungkol sa kanilang pagkakakilanlan bilang mga pastol. Alam nilang mababa ang tingin ng mga taga Egypt sa mga pastol, pero hindi nila itinago kung sino sila. May aral dito para sa mga mananampalataya. Nabubuhay tayo sa mundo pero hindi tayo dapat magpabago rito. Hindi tayo tinawag para makisabay sa lahat ng gusto ng mundo kundi para mamuhay nang tapat sa Diyos.
Minsan may pressure na makisama sa kultura kahit laban sa Salita ng Diyos. Pero ang ating pagkakakilanlan ay hindi galing sa mundo. Tayo ay kay Cristo.
Si Jesus ang pinakamagandang halimbawa nito. Nabuhay Siya sa makasalanang mundo ngunit hindi Siya nakompromiso ng kasalanan. At dahil tayo ay kay Cristo, tinatawag din tayong mamuhay nang iba.
Ang Genesis 46:28–34 ay nagtuturo sa atin na habang nabubuhay tayo sa mundong ito, dapat tayong magtiwala sa pag-akay ng Diyos, magpahinga sa Kaniyang katapatan, at mamuhay bilang Kaniyang bayan.
Sundan ang direksyon ng Diyos. Magtiwala sa Kaniyang katapatan. Mamuhay para sa Kaniyang kaluwalhatian.
Sa pamamagitan ni Cristo, ginagabayan at iniingatan tayo ng Diyos hanggang makarating tayo sa ating tunay na tahanan.