22/10/2024
ORATIO IMPERATA PARA SA KALAMIDAD
Amang Makapangyarihan, Itinataas namin sa iyo ang aming mga puso ng may pasasalamat sa ganda ng iyong nilikha, kaisa na rin kami, sa iyong kabutihan, sa pagkakaloob ng aming mga pangangailangan, at sa iyong karunungan na gumagabay sa landas ng buhay. Kinikilala namin ang aming pagkakasala sa iyo at buong sangnilikha. Hindi kami naging mabuting tagapangasiwa ng Kalikasan. Hindi kami tumupad sa iyong atas na pangalagaan ang mundo.
Ang kalikasan ay dumaranas ng hirap dahil sa aming kapabayaan, at ngayon ay nagbunga ang aming pang- aabuso at kawalan ng malasakit.
Umiinit na ang mundo. May mga bagyo, pagbaha, pagputok ng bulkan at iba pang kalamidad ang patuloy naming nararanasan.
Nagsusumamo kami sa iyo, Amang Mapagmahal, at pagkalooban kami ng kapatawaran sa aming mga sala. Hinihiling namin na kami, sampu ng aming mga mahal sa buhay, at ng aming mga pinaghirapan ay malayo Sa anumang banta ng kalamidad, maging likas man o kagagawan ng tao.
Nawa'y gisingin mo ang lahat na lumago sa pagiging mabuting katiwala ng iyong nilikha, at maging mapagbigay sa mga nangangailangan.
Mahal na Poong Hesus sa Santo Sepulcro, Maawa Ka saamin!
Mahal na Birhen, Ina ng Awa, Ipanalangin mo kami!
Amen.